Homepage
     About Us
     Members
     Featured Member
     Thought for Today
     BLOGSPOT
     SAY A LITTLE PRAYER
     Chants Gallery
     CuteTube
     Sunday Readings
     TRIVIA
     FORUM
     Our Skeds
     Contact
     Guestbook



CHANTERELLES OF MARY - Sunday Readings


FIFTH SUNDAY IN ORDINARY TIME

February 8, 2009

Unang Pagbasa Job 7:1-4.6-7
Bahagi na ng buhay ng tao ang pagdurusa’t kabiguan. Mabubuti mang tao’y dumaranas ng paghihirap gaya ng
pinatutunayan ng kuwento ni Job. Palibhasa’y di niya nauunawaan ang sanhi ng kanyang mga pagsubok, ang
kaawa-awang matanda ay umabot sa malulungkot na
kapasiyahang mababasa sa sipi ngayon.
Pagpapahayag mula sa Aklat ni Job

Nagsalita si Job at sinabi niya:
“Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap,
batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas.
Siya’y tulad ng alipin, pahinga
ang hinahangad, para siyang manggagawa,
naghihintay ng kanyang
bayad. Maraming buwan na ang
lumipas, walang layon ang buhay
ko. At tuwing sasapit ang gabi ay
namimighati ako. Ang gabi ay matagal,
wari’y wala nang umaga, di
mapanatag sa higaan at palaging
balisa. Mga araw ng buhay ko’y mabilis
na nalalagas. Pag-asa ko’y lumalabo,
at matuling tumatakas. O Diyos,
iyong alalahaning ang buhay ko’y
parang hangin. Ang ligaya ng buhay
ko’y napalitan na ng lagim.”


Salmong Tugunan Awit 146

Panginoon ay purihin; siya ay
nagpapagaling!

Purihin ang Panginoon! O kay
buti ng umawit at magpuri sa ating
Diyos. Ang magpuri sa kanya’y tunay
na nakalulugod. Ang Lunsod ng
Jerusalem, muli niyang ibabalik sa
kanyang mga lingkod na natapon
at nalupig.

* Yaong mga pusong wasak ay
kanya ring lulunasan. Ang natamo
nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng
mga tala, isa-isang tinatawag, yaong
ngalang itinakda.

* Panginoong ating Diyos ay dakila
at malakas. Ang taglay niyang karunungan
ay walang makasusukat.
Yaong mapagpakumbaba’y siya
niyang itataas, ngunit yaong mapaghambog
sa lupa ay ibabagsak.

Ikalawang Pagbasa: 1 Cor 9:16-19.22-23
Ito ay isang magandang buod ng palagay ni San Pablo
sa kanyang pangangaral bilang alagad at lahat ng
ginawa niya alang-alang sa Ebanghelyo.
Pagpapahayag mula sa Unang Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto.
Mga kapatid: Hindi ngayo’t nangangaral ako
ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko na walang
bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral. Malaya ako at di alipin ninuman;
ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako’y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay
maligtas ko, kahit sa anong paraan. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.

Aleluya Mt 8:17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo ang sakit ng mga tao upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

Mabuting Balita Mc 1:29-39

Si Hesus ay laging handang magdulot ng buti sa iba, lalo na sa mga maysakit at binabagabag ng demonyo. Sa Ebanghelyo ngayon, binibigyan diin ni San Marcos ang katangiang ito sa pag-uulat sa atin ng karaniwang araw sa buhay ng Panginoon.

Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at binangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo,at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman
ang kanilang karamdaman, at nagpalayas
siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at ng kanyang mga kasama. Nang siya’y matagpuan, sinabi nila, Hinahanap
po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni
Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.


Fourth Sunday in Ordinary Time

Feb. 1, 2009

Unang Pagbasa Deut 18:15-20
Sa sipi ngayon, ipinagtatapat
ni Moises na, pagkamatay niya, pipili ang Diyos sa Kanyang bayan ng isang gaganap bilang propeta at tagapamagitan. Ang gayong pangako ay matutupad kay Hesukristo.
Pagpapahayag mula sa Aklat ng Deuteronomio.

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Mula sa inyo, pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito’y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo’y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakilakilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.’ Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya
ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.’ ”

Salmong Tugunan Awit 94

B –Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin!


Tayo ay lumapit sa ‘ting Panginoon,
siya ay awitan, ating papurihan
ang batong kublihan nati’t
kalakasan. Tayo ay lumapit, sa kanyang
harapan na may pasalamat; siya
ay purihin, ng mga awiting may tuwa
at galak.

* Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba
at magbigay-galang, lumuhod
sa harap nitong Panginoong
sa ati’y lumalang. Siya ang ating
Diyos, tayo ay kalinga niyang mga
hirang, mga tupa tayong inaalagaan.

* Ang kanyang salita ay ating
pakinggan: “Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang nang nasa
Meriba, sa ilang ng Masa. Ako ay
tinukso’t doon ay sinubok ng inyong
magulang, bagamat nakita ang aking
ginawang sila’ng nakinabang.”

Ikalawang Pagbasa 1 Cor 7: 32-35
Narito ang isang simpleng
paglalahad ng mga pagninilay
ni San Pablo sa tamang saloobin
ng isang Kristiyano tungkol
sa dalawang pangunahing
estado sa buhay: buhay mayasawa
at walang asawa.
L –Pagpapahayag mula sa Unang
Sulat ni Apostol San Pablo sa
mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa
ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang
pagmamalasakit. Gayon din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga
bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan
ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay
ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa.
Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos
na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.


Aleluya Mt 2:2

Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman, sa lilim ng kamatayan ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!
Mabuting Balita Mc 1:21-28
Si Hesus ay inilalarawan ng
sipi ng Ebanghelyo ngayon sa
kanyang pangangaral at
paglilingkod sa Capernaum.
Kapani-paniwala siyang nangangaral
at mabisa niyang
ginagampanan ang kanyang
misyon sa pagpapalaya sa tao
sa kapangyarihan ng demonyo.
Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad ay nagpunta sa
Capernaum. Nang sumunod na Araw
ng Pamamahinga ay pumasok si
Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha
ang mga tao sapagkat nagturo
siya sa kanila na parang isang
may kapangyarihan, at hindi tulad
ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga
ang isang lalaking inaalihan
ng masamang espiritu, at sumigaw:
“Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus
na taga-Nazaret? Naparito ka
ba upang puksain kami? Kilala kita:
ikaw ang Banal na mula sa Diyos!”
Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang
espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas
ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang
espiritu ang tao, at sumisigaw
na lumabas.
Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y
nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral?
Nauutusan niya pati ang masasamang
espiritu. At sinusunod naman
siya!” At mabilis na kumalat sa buong
Galilea ang balita tungkol kay Hesus.

Third Sunday in Ordinary Time
Jan. 25, 2009

Unang Pagbasa Gw 22:3-16:
Nabilanggo si Pablong apostol
dahil sa kanyang pangangaral.
Ipinagtanggol niya ang kanyang
sarili sa pagsasalaysay ng kanyang
buhay kung kaya nalaman natin
kung paanong buhat sa pagiging
isang masugid na Pariseo at
tagausig ng Simbahan, malaki
ang kanyang ipinagbago mula
nang makatagpo niya si Kristong
Muling Nabuhay.


Noong mga araw na iyon, sinabi
ni Pablo sa mga tao, “Ako’y isang
Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia
ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Nagaral
ako kay Gamaliel at buong higpit
na tinuruan sa Kautusan ng ating
mga ninuno. Tulad ninyong lahat,
ako’y masugid na naglilingkod sa
Diyos. Inusig ko at ipinapatay ang
mga sumusunod sa Daang ito.
Ipinagapos ko at ipinabilanggo sila,
lalaki’t babae. Makapagpapatotoo
tungkol dito ang pinakapunong
saserdote at ang buong kapulungan
ng matatanda. Binigyan pa nila ako
ng mga sulat para sa mga Judio sa
Damasco, at pumunta ako roon upang
dakpin ang mga tagasunod doon
at dalhin dito sa Jerusalem upang
parusahan.
Magtatanghaling-tapat noon, at
malapit na ako sa Damasco. Biglang
kumislap sa aking paligid ang isang
matinding liwanag mula sa langit.
Nasubasob ako sa lupa, at narinig
ko ang isang tinig na nagsabi sa
akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako
pinag-uusig?’ Ako’y sumagot, ‘Sino
po kayo, Panginoon?’ ‘Ako’y si Hesus
na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig,’
tugon niya. Nakita ng mga kasama
ko ang liwanag, ngunit hindi nila
narinig ang tinig na nagsalita sa akin.
At akin ding itinanong, ‘Ano po ang
gagawin ko, Panginoon?’ Ang tugon
sa aki’y, ‘Tumindig ka at pumunta
sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon
ang lahat ng dapat mong gawin.’
Nabulag ako dahil sa kaningningan
ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay
na lamang ng mga kasama ko
papasok sa Damasco.
May isang lalaki sa Damasco na
ang pangala’y Ananias. Siya’y taong
may takot sa Diyos, tumutupad sa
Kautusan, at iginagalang ng mga
Judiong naninirahan doon.
Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi
ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo,
makakakita ka na.’ Noon di’y nanauli
ang aking paningin at nakita ko siya.
Sinabi pa niya, ‘Hinirang ka ng Diyos
ng ating mga ninuno upang mabatid
mo ang kanyang kalooban, makita
ang kanyang Banal na Lingkod at
marinig ang kanyang tinig. Sapagkat
ikaw ay magiging saksi niya upang
patotohanan sa lahat ng tao ang
iyong nakita at narinig. At ngayon,
huwag ka nang mag-atubili. Tumindig
ka, tumawag ka sa kanyang pangalan
at magpabinyag, at magiging malinis
ka sa iyong mga kasalanan.’ ”


Salmong Tugunan Awit 116

Humayo’t dalhin sa tanan,
Mabuting Balitang aral!

1. Purihin ang Poon! Dapat na
purihin ng lahat ng bansa, siya ay
purihin ng lahat ng tao sa balat ng
lupa.

2. Pagkat ang pag-ibig na ukol sa
ati’y dakila at wagas, at ang katapatan
niya’y walang wakas.


Ikalawang Pagbasa 1 Cor 7: 29-31
Sa pagsagot sa mga tanong
sa kanya ng mga taga-Corinto,
pinatunayan ni Pablong apostol
ang kanyang ganap na paglayo
sa mga bagay ng mundong ito.
Ang tanging mahalaga para sa
kanya ay si Hesukristo bilang
dakilang Hukom.


Ito ang ibig kong sabihin, mga
kapatid: malapit na ang takdang
panahon, kaya’t mula ngayon, ang
may asawa ay mamuhay na parang
walang asawa; ang mga nananangis,
na parang di nananangis; ang mga
nagagalak, na parang di nagagalak;
ang mga namimili, na parang walang
ari-arian, at ang mga nagtatamasa
sa sanlibutang ito, na parang di nila
ito alintana. Sapagkat ang lahat ng
bagay na ito’y mapaparam.



Mabuting Balita Mc 16:15-18
Nang malapit na siyang
umakyat sa langit, inatasan ni
Hesus ang nalalabi niyang labingisang
apostol na ipangaral ang
Ebanghelyo sa lahat. Noo’y hindi
pa sumasampalataya si Pablo. Di
nagtagal, napukaw rin siya ni
Hesus sa pangyayaring isinasalaysay
sa unang pagbasa
ngayon. Mula na noon, ginugol
na ng masigasig na si Pablo ang
buo niyang buhay sa ipinagbilin
noon ni Hesus.


Noong panahong iyon, napakita
si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa
kanila, “Humayo kayo sa buong
sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat
ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya
at magpabinyag ay maliligtas,
ngunit ang hindi sumampalataya ay
parurusahan. Ang mga sumasampalataya
ay magtataglay ng
ganitong tanda ng kapangyarihan:
sa pangalan ko’y magpapalayas sila
ng mga demonyo at magsasalita ng
ibang wika; sila’y hindi maaano
dumampot man ng ahas o uminom
ng lason; at gagaling ang mga
maysakit na mapatungan ng kanilang
mga kamay.”

 
Today, there have been 26 visitors (241 hits) on this page!

This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free